“Kapag Hindi Ka Naka-graduate Sa Call Center Lang Bagsak Mo”: For Rommel and Len Reyes

Marahil narinig na natin ‘tong mga kasabihan na ‘to sa iba’t-ibang tao na nakakasalamuha natin araw-araw. Hindi natin maiiwasan na i-“lang” ang mga nagta-trabaho sa call center, pero gusto kita kwentuhan kung paano ako naipagtapos ng aking mga magulang sa pamamagitan ng kanilang trabaho na nila-“lang” ng ibang tao.

8 taon. Simula high school pa lang ako hanggang mag-college ako, walang ibang pinagkukunan ng gastusin yung mga magulang ko kundi sa kanilang trabaho, at yun ay ang Customer Service Representative. Nakakapagtaka man isipin kasi ‘di ba hindi naman talaga malaki ang swelduhan dyan tapos kahit ipagsama yung buwanang sweldo nila sa tuition ko kada sem, hindi mapapag-abot.

Ang trabaho na nila-“lang” ng ibang tao? Hindi biro. Halos hindi na nga minsan nagkikita yung magulang ko sa isang linggo kasi yung schedule ng nanay ko pang-umaga, tatay ko naman graveyard. Daig pa Long Distance Relationship kasi magkaiba yung timezone nila, parang nasa ibang bansa lang pero ang totoo isang bus lang naman ang pagitan.

Ang trabaho na nila-“lang” ng ibang tao? Nakapagbenta na ng iba’t-ibang pagkain at gamit mula sa kornik, chicharong bulaklak, pabango, ID lace at iba pa para lamang mairaos lahat ng gastusin ng aking matrikula.

Ang trabaho na nila-“lang” ng ibang tao? Nakatulong sa pagpapagamot sa nanay kong nagkaroon ng stroke at cancer. Nakapagbibigay ng health card sa tatay kong may sakit sa puso.

Ang trabaho na nila-“lang” ng ibang tao? May iba’t-ibang kwento.

May mga araw na nadadala ng magulang ko yung stress sa bahay kasi nag-escalate yung customer, tapos pinatawag yung supervisor ganoon kahit tama naman talaga yung agent. Nakakatawa pa nga minsan kasi pag nags-spell out sila ng words yung tipong a is for “blabla” or q for “chuchu”. Nadadala na nila sa bahay yung trabaho nila.

Ang trabaho na nila-“lang” ng ibang tao? Nakapagbigay ng baon sa loob ng siyam na taon. Nakapagbili ng uniporme, gamit sa eskwelahan, tuition, madugong thesis, at iba pa.

Ang trabaho na nila-“lang” ng ibang tao? Nakapagpatapos ng isang kolehiyo.

Gustong-gusto ko talaga magpasalamat sa kumpanya na pinagta-trabahuan ng aking mga magulang. Madami mang pagsubok pero napakarami rin namang benefits. Ang gusto ko lang malaman niyo ay hindi purket hindi nakapagtapos ng pag-aaral ang isang tao ay wala ng mapupuntahan kundi call center “na lang”. Yung iba nga kahit nagtapos ng pag-aaral hindi naman nila gusto yung ginagawa nila o ang masaklap, hindi makahanap ng trabaho. Hirap, sakripisyo, tiyaga, at pagmamahal ang susi sa bawat tagumpay na pwedeng matamasa ng isang tao.

Ngayon, ako ngayon ay may magandang trabaho na nakapagbibigay ng biyaya hindi lang sa aking mga estudyante maging sa aking mga magulang.

Salamat sa magulang kong walang ibang ginawa kundi piliin ang laging mas nakabubuti sa akin kahit gaano kahirap ngunit napakamaginhawa sa huli.

Now let me rephrase the very first statement I stated…

Kahit hindi ka nakapagtapos at sa call center ka nagta-trabaho, sa pamamagitan ng hirap at tyaga, magiging matagumpay kang tao.

Inspired? Give Your Thoughts!

Name and email are required fields. Your email address will not be published.
By posting a comment, you agree to the Terms & Conditions of the site.